Nilinaw ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo Jose De Vega na wala pang konkretong desisyon ukol sa panukalang panibagong deployment ban sa mga Pinoy worker sa Kuwait.
Ginawa ng opisyal ang paglilinaw kasabay na rin ng panukalang muli itong ibalik sa hangaring maprotektahan ang mga overseas Filipino worker(OFW) na naroon dahil na rin sa magkasunod na pagkamatay ng dalawang Pilipinong naroon.
Ayon kay De Vega, ayaw ng DFA na magkaroon ng temporaryong solusyon sa naturang problema tulad ng agarang deployment ban at tuluyan ding pagbawi rito kinalaunan.
Hindi aniya magmumukhang ‘credible’ ang Pilipinas kung ganito ang gagawin.
Ayon sa opisyal, kailangan na ng pemanenteng solusyon upang maging mas malakas ang mga garantiyang mapoprotektahan ang karapatan ng mga Pinay worker.
Mayroon na aniyang 2018 agreement sa pagitan ng Pinas at Kuwait at kailangang pagtibayin na lamang ito, kalakip ang mas maraming garantiya.
Anuman ang mangyayari aniya, tiyak ang pagkakaroon ng mas istriktong panuntunan sa pag-hire ng mga household worker papunta sa Kuwait.
Samantala, tumangi ring magkumento ang opisyal nang matanong kung mag-eendorso ba ang DFA ng deployment ban.
Ayon kay De Vega, ang DMW ang magbibigay ng dedesiyon dito.