-- Advertisements --
DEPT OF FOREIGN AFFAIRS
Dept. of Foreign Affairs

Hindi aalis ng Tripoli, Libya ang mga tauhan ng Department of Foreign Affairs (DFA) hangga’t sa hindi nakakalikas ang mga Pilipinong naipit ng bakbakan.

Pagtitiyak ito ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. matapos kumpirmahin na kanilang itinaas ang Alert Level 4 sa Libya dahil sa lumalalang tensyon sa capital city ng Tripoli bunsod ng civil war.

“AL 4 is mandatory evacuation but we cannot compel—and rightly so. What is mandatory is that DFA stays in Tripoli until last OFW goes—& then it stays,” saad ni Locsin sa isang Twitter post.

Sinabi rin ni Charge’ D Affaires Elmer Cato na patuloy silang magbibigay ng tulong sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na hindi pa nakakaalis ng Tripoli.

Sinabi ng opisyal na maraming mga Pilipino sa Tripoli ang nagdesisyon na manatili pa rin sa lugar sa kabila ng kasalukuyang sitwasyon.

Gayunman, naka-monitor pa rin aniya ang Embahda sa kalagayan ng mga Pilipino sa nasabing bansa sa pamamagitan nang pagtawag sa mga ito araw-araw at pagiging active sa kanilang Facebook group.

Pero mas mainam aniya kung sumunod na rin ang mga ito sa mandatory evacuation na idineklara ng Department of Foreign Affairs bago pa tuluyang lumala ang sitwasyon sa Libya.