-- Advertisements --

Pinasinungalingan ni Department of Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega ang kumakalat na report sa social media na maaaring makalaya ang mga Pilipinong unang naaresto sa Qatar kung makakapaghain sila ng piyansang nagkakahalaga ng P1 million.

Giit ni de Vega, wala itong katotohanan dahil walang bail sa pagkakasalang nagawa ng mga inarestong Pinoy.

Paliwanag ng opisyal, ang maaari lamang mangyari dito ay posibleng papalayain sila o kung hindi man ay sasampahan sila ng kaso at matagal na pananatilihin sa detention facilities.

Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Philippines kay de Vega, sinabi nitong 17 Pinoy pa ang nananatili sa detention center habang tatlong mga menor de edad ang tuluyan nang pinalaya.

Giit ni de Vega, ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng makakaya upang matulungan silang makalabas din kinalaunan, kabilang na dito ang pagpapadala ng mga abogado at labor attache.

Ayon kay de Vega, maaaring maharap sa tatlong taon na pagkakakulong ang mga naarestong Pinoy kung ipupursige ng Qatari government ang paghahain ng kaso laban sa kanila.

Unang inaresto ang mga ito dahil sa umano’y pagsasagawa ng political rally sa naturang bansa, kasabay ng ika-80 kaarawan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na kasalukuyang naka-detene sa International Criminal Court.