Pinayuhan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang publiko ukol sa posibleng delay o pagkaka-antala ng paglabas sa mga pasaporte.
Ito ay dahil na rin sa maintenance work na isinasagawa ng service provider nito sa ilang mga sistema ng DFA.
Batay sa inilabas na abiso ng DFA, ang mga passport application na inihain pa noong nakalipas na linggo ay naapektuhan ng system downtime.
Bilang resulta, maaari umanong magkaroon ng delay sa delivery at paglabas ng mga naturang pasaporte.
Pinayuhan naman ng ahenisya ang mga kliyente nito na magpadala ng mga katanungan o anumang alalahanin sa pamamagitan ng numerong +632 8234 3488 o e-mail ad na passportconcerns@dfa.gov.ph, at oca.concerns@dfa.gov.ph
Tiniyak din ng ahensiya ang mahigpit nitong koordinasyon sa service provider para agad ding maibalik ang normal na serbisyo para sa mga kliyente nito.
Kasabay nito ay humingi rin ng paumanhin ang ahenisya sa mga kliyenteng apektado sa naturang aberya.