Pinuna ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang maling paniniwala ng hindi pinangalanang Chinese Foreign Ministry spokesperson kaugnay sa provisional arrangement sa resupply missions sa BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal.
Sa isang statement, sinabi ng DFA na nakakapanghinayang na na-mischaracterize ng Chinese official ang RoRe mission na isinagawa noong Sabado, Hulyo 27.
Aniya, sa halip na kilalanin kung paano nagawa ng 2 bansa na pangasiwaan ang pagkakaiba para maiwasan ang hindi pagkakaunawaan, pinili aniya ng tagapagsalita ng Chinese Foreign Ministry na magsinungaling sa kung ano ang napagkasunduan sa pagitan ng Pilipinas at China kaugnay sa RoRe missions.
Paglilinaw pa ng DFA na ang kasunduan sa pagitan ng PH at China ay nagtapos sa maayos na paraan nang may tahasang kasunduan na hindi mailalagay sa alanganin ang posisyon ng bansa.
Hindi din aniya makakatulong ang pagbibigay ng maling nosyon kaugnay sa napagkasunduan at kung paano ito ipapatupad.
Nanindigan din ang DFA na nananatiling malinaw at hindi nagbabago ang posisyon ng PH sa mga isyu sa WPS kabilang na dito ang legally-settled maritime entitlements at lehitimong karapatan para sa pagsasagawa ng routine activities sa sarili nating exclusive economic zone .
Ang BRP Seirra Madre din aniya ay isang kinomisyong sasakyan ng Hukbong Pandagat ng PH at ang presensiya nito sa Ayungin shoal ay pasok sa sovereign rights at hurisdiksiyon ng PH.
Mananatili namang committed ang PH para sa mapayapang pagresolba sa mga dispute kabilang na sa pamamagitan ng dayalogo at konsultasyon at umaasa naman ang PH na tatalima ang China sa napagkasunduan.
Ginawa ng DFA ang pahayag matapos sabihin ng Chinese Ministry of Foreign Affairs na ang naturang provisional agreement ay base umano sa 3 point principled position ng China para pamahalaan ang sitwasyon sa tinawag nitong Ren’ai Jiao o Ayungin shoal.