Ipinatawag ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin ang Kuwaiti ambassador sa Pilipinas kasunod na rin nang napaulat na pagpatay ng employer sa Pinay worker sa Kuwait.
Una nang kinilala ang biktima na si Jeanelyn Villavende, 26, residente ng Baragay Tinago, Norala, South Cotabato.
Sinasabing ang pagpapatawag sa Kuwaiti envoy na si Ambassador Musaed Salem Al Thuwaikhupang ay upang personal na ipaabot ang mariing pagkondena at pagkagalit umano ng mga Filipino sa pangyayari.
Sa isang statement nakiusap si Locsin sa gobyerno ng Kuwait na sana kumilos nang agaran upang mabigyan ng hustisya sa lalong madaling panahon ang pagkamatay ng Pinay DH.
“I beg you give her justice. We will go after the Filipino recruiters and government officials who put her in harm’s way,“ ani Secretary Locsin sa Kuwaiti Ambassador. “The friendship between your country which gives our people the jobs they cannot find at home and our people whose faithful service make the life of your people easier depends on justice being done the murdered maid. An eye for an eye, a life for a life.”
Tinukoy naman ng DFA na ang pagmamalupit sa mga Filipino domestic workers sa Kuwait ay maituturing na paglabag sa pinirmahang kasunduan noong May 2018 na naglalayong mabigyan nang ibayong proteksiyon ang mga ito.
Sa ngayon nakikipag-ugnayan na ang Philippine Embassy sa Kuwaiti authorities para matiyak na mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Villavende.
Samantala sa naging exclusive interview ng Bombo Radyo Koronadal kay Nelly Padernal, tiyahin ni Jeanelyn, sinabi nito na maglilimang buwan pa lamang ito sa kanyang employer sa Kuwait at hindi nila inaasahan na ganito ang mangyayari sa kanya.
Ayon kay Padernal, ipinaalam lamang sa kanila ng DFA na binawian ng buhay si Jeanelyn sa isang ospital sa Kuwait at hindi pa nila alam ang dahilan ng pagkamatay nito dahil nagpapatuloy pa umano ang imbestigasyon ng mga otoridad.
Bago pa umano ang balitang napatay ito ng kanyang employer ay ilang buwan na siyang hindi makontak ng kanyang pamilya kung saan Oktubre 27 pa ang huling pag-uusap nila sa telepono.
Sa ngayon, blangko pa rin ang pamilya Villavende kung ano talaga ang nangyari sa kanya.
Umaasa naman ang pamilya na matutulungan sila ng gobyerno na mapauwi sa bansa ang bangkay nito at maparusahan ang employer nito.
Napag-alaman na unang beses pa lamang na nangibang bansa si Jeanelyn na umalis noong buwan ng Hulyo, 2019.
Panganay naman ito sa tatlong magkakapatid kung saan nangibang bansa ito upang makatulong sa bansa at makapagpatayo sana ng kanilang bahay.