-- Advertisements --

Pinayuhan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga undocumented Filipino na kasalukuyang nasa US na panatilihin ang ‘low profile’, sa gitna ng malawakang deportation na ginagawa ng naturang bansa.

Paalala ni Foreign Affairs Undersecretary Eduardo Jose De Vega, kasabay ng pagpapanatili sa ‘low profile’ ay madaliin na rin ang pagsasaligal sa kanilang pananatili sa US.

Naniniwala si De Vega na gusto rin ni US Pres. Donald Trump na makipagtulungan sa mga Democrats ukol sa mga illegal allien na hindi naman matutukoy bilang kriminal at mga terorista.

Dapat aniyang samantalahin ito ng mga Pinoy at gawin ang lahat ng paraan upang maging ligal ang pananatili sa US.

Iginiit din ng DFA official na lahat ng mga Pinoy na naroon ay may kaniya-kaniyang visa. Posible aniyang nag-expire lamang ang mga ito at hindi na nila naayos o naasikaso ang kanilang ligal na pananatili sa naturang bansa.

Kung tinatarget ang mga ito na ma-deport, marami aniyang paraan para maisa-legal ang kanilang pananatili sa naturang bansa.

Maaari rin aniyang kuwestiyunin ng mga ito ang kanilang deportation sa tulong ng mga abugado kung saan pwede nilang idepensa na produktibo ang kanilang pananatili sa US at malaki ang naitutulong nila sa ekonomiya nito.

May mga ganitong pagkakataon aniyang nagiging matagumpay ito at napipigilan ang deportation.