ILOILO CITY – Pumalag si Iloilo City Mayor Jerry Treñas sa patutsada ni Department of Foreign Affairs (DFA) Sec. Teodoro Locsin Jr. sa social media.
Ito ay kaugnay sa apela ng alkalde sa Inter-Agency Task Force (IATF) na ibalik sa general community quarantine mula sa modified GCQ ang quarantine status ng lungsod.
Sa post ni Locsin sa Twitter, sinabi nito na sinisisi ni Treñas ang mga pasaway na mga residente sa lungsod kaya patuloy na lumolobo ang kaso ng COVID-19.
Sa Facebook post naman ng alkalde, sinagot nito si Locsin at pinabulaanan na sinisisi nito na ang mga tao sa lungsod at sa halip ay ginagawa nito ang lahat upang mapigilan ang pagdami ng kaso ng nasabing sakit.
Nagpahayag naman ng pagkadismaya ang alkalde kay Locsin dahil nagawa pa raw nitong mamulitika sa gitna ng pandemya.
Ayon pa sa opisyal, sa halip na tumulong, mas tinututukan pa ng kalihim na gumawa ng negatibong mga komento.
Binigyang-diin ni Treñas na walang alam si Locsin sa operasyon ng isang LGU dahil wala karanasan sa pagpapatakbo ng isang siyudad.