-- Advertisements --

Kinumpirma na rin ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teodoro Locsin Jr. na naghain na ang Pilipinas ng diplomatic protest laban sa China bago pa man ang pagbisita niy sa Beijing noong nakaraang linggo.

Reaksyon ito ng kalihim matapos ang pagbunyag ng Armed Forces Western Command na may mga nakita silang Chinese militia sa Pag-asa islands sa West Philippine Sea.

Ayon sa kalihim, ginawa aniya nila ang hakbang para hindi siya pagbintangan na walang malasakit sa bansa.

Nauna na ring pinabulaanan ni Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua na ang mga bangka ay mula sa Chinese maritime militia at ito ay mga simpleng mangingisda lamang.

Binigyang-diin naman ng Malacañang na dapat lumayas na sa lalong madaling panahon ang Chinese vessels na nasa Pag-asa Island o Tithu Island.

Ang Pag-asa Island ay kasama sa Kalayaan Group of Islands sa South China Sea na inaangkin at okupado ng Pilipinas.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, kaya naghain ng diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs laban sa China ay dahil hindi dapat naroroon ang mga Chinese vessels.

Ani Sec. Panelo, naniniwala siya sa report ng militar na mga militiamen at hindi lamang ordinaryong mangingisda ang sakay ng mga barko.