Sa kauna-unahang pagkakataon mula nang magsimula ang coronavirus pandemic, nagsagawa ng physical bilateral meeting sina Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. at ang kanyang Chinese counterpart na si Wang Yu sa lalawigan ng Yunnan, China.
Batay sa inilabas na pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA), sumentro ang pulong sa ilang mga isyung pangseguridad sa rehiyon at sa commitment ng Beijing sa pagsuporta sa infrastructure projects sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Hindi naman nabanggit sa statement kung kabilang sa mga napag-usapan ang territorial dispute sa pagitan ng dalawang bansa.
“The two Foreign Ministers also engaged in a candid and in-depth exchange on regional security concerns, as well as issues of mutual interest in the context of ASEAN-China relations in which the Philippines acts as China coordinator, as well as in broader multilateral fora,” saad sa pahayag.
Ito ang unang official trip ni Locsin sa ibayong dagat mula noong Pebrero bago magpatupad ng lockdown ang mga bansa sa buong mundo dahil sa coronavirus pandemic.
Ang pulong ding ito ng dalawang top diplomats ay nangyari dalawang linggo matapos ang paggiit ng Pangulong Duterte sa United Nations General Assembly ng South China Sea ruling.
Sa kabila nito, nanindigan ang China na hindi nila kinikilala ang pasyang ito ng UN Court of Arbitration.