-- Advertisements --

Hayagang binatikos ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang Chinese Communist Party dahil sa tuloy-tuloy na pambabastos sa mga mas maliliit na bansa.

Ginawa ni Teodoro ang pahayag, kasabay ng kaniyang pagbisita sa Wallace Air Station sa San Fernando City, La Union.

Ayon kay Teodoro, hayagang binabalewala ng China ang mga international law kasabay ng tuloy-tuloy na panghaharas sa mga maliliit na bansa tulad ng Pilipinas.

Ang kanilang ‘expansionism’ o pilit na pagpapalaki sa kanilang teritoryo aniya, kasama na ang pagbalewala sa kaligtasan ng mga barko sa West Philippine Sea, ay bukas sa buong mundo at natutunghayan ng bawat bansa na sinasaklawan ng Asia-Pacific Region.

Una nang binatikos ng DND secretary ang kamakailang mapanganib na pagmamaniobra ng Chinese air asset sa Bajo de Masinloc laban sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources authorities.

Ayon kay Teodoro, kailangang palakasin pa ng Pilipinas ang pakikipag-alyansa nito sa iba pang mga bansa upang mapigilan ang tuloy-tuloy na panghaharas ng Chinese Communist Party.