Inihayag ng gobyerno ng Pilipinas na dapat magnilay ang China sa sarili nitong mga aksiyon sa West Philippine Sea kasabay ng paggiit na hindi nito papalagpasin ang claim ng China na ang ating bansa ang nagpapalala ng tensiyon sa pinagtatalunang karagatan.
Inilabas ng Department of Foreign Affairs (DFA) na hindi natitinag ang posisyon nito matapos na i-call out ng China ang makasaysayang trilateral summit sa pagitan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. US President Joe Biden at Japanese PM Fumio Kishida kamakailan.
Kung saan hinimok pa ng China ang PH na itigil ang pagbibigay umano ng seguridad sa mga pwersa sa labas ng rehiyon dahil maaari lamang umano itong humantong sa mas matinding insecurity at gawing ‘chess piece’ ng ibang bansa.
Bilang tugon, iginiit ng PH na ang pinagmumulan ng tensiyon sa rehiyon ay batid ng lahat at ito ay ang excessive maritime claims ng China at agresibong aksiyon nito kabilang ang militarisasyon ng reclaimed features na nakakasira sa kapayapaan at stability sa rehiyon at nagpapalala ng mga tensiyon.
Sinabi din ng DFA na ang paulit-ulit na pagbanggit ng China sa US military assistance sa bansa bilang cold war ay makakapagpalala lamang sa sitwasyon at nagbibigay ng maling representasyon sa mapayapang layunin ng trilateral cooperation ng PH, US at Japan.
Inihayag din ng DFA na walang mali sa trilateral summit dahil nagbibigay ito ng pagkakataon sa 3 bansa na magkaroon ng matatag na bilateral ties, palawigin pa ang economic cooperation at pagtibayin ang di natitinag na commitment sa kanilang sacred fundamental values.
Ang trilateral cooperation din ay ang partnership at cooperative framework para sa pagtataguyod ng kapayapaan, stability at economic prosperity sa Indo-Pacific region.
Binigyang diin din ng PH na isang sovereign choice at desisyon nito na palakasin pa ang alyansa sa mga partners nito alinsunod sa ating national interests at salig sa ating independent foreign policy.