Galit na galit si DFA Sec Teddy Locsin Jr. sa lumutang na ulat na patuloy pa rin ang nagaganap na human trafficking sa mga OFW sa Syria sa gitna ng civil war doon.
Dahil dito pinagpapaliwanag ng kalihim ang Philippine Embassy na nasa Damascus bunsod ng kabiguang iulat ang naturang pangyayari.
Una rito batay sa report Washington Post nasa 17 mga Pinay ang nagbulgar na ipinadala sila sa Syria matapos na ma-recruit bilang household workers sa United Arab Emirates.
Pero sa halip, inabuso umano sila ng kanilang employer, may mga na-rape pa at ikinulong.
Ang iba ay hindi na nakauwi ng Pilipinas dahil sa naturang pangyayari.
Sa statement naman ng DFA, siniguro ng kagawaran na seryosong iniimbestigahan na ito.
Sa katunayan nagpadala na sila ng human rights lawyer upang asikasuhain ang mga kababayan na nasa temporary shelter.
“The Department is continuous taking measures to ensure the safety and wellbeing of Filipino victims of trafficking at the Filipino Workers Resource Center (FWRC) in the Philippine Embassy in Damascus. DFA has been providing legal assistance to the wards, all of whom are trafficking victims and face penalties,” bahagi pa ng DFA statement.
Tinukoy din naman ng DFA na meron ng tatlong OFW ang napabalik na sa Pilipinas noong Disyembre at meron pang 12 na nakatakdang sumailalim sa repatriation.