Tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) na may nakalatag na contingency measures para sa mga Pilipino sa Lebanon sakaling sumiklab ang giyera o mga pag-atake doon mula sa Israel.
Ayon kay DFA USec. Eduardo De Vega, posibleng itaas nila sa Alert Level 4 mula sa kasalukuyang Alert level 3 ang alerto sa naturang bansa sa middle east at manawagan para sa mandatoryong pagpapalikas na ng mga kababayan nating Pilipino kapag nagkaroon ng malawakang kaguluhan o full-blown external attack sa Lebanon.
Nilinaw naman ng opisyal na hindi pa itataas ang Alert level sa Lebanon kung mas mababa pa lang sa 1000 Pilipino ang nagpahiwatig na gusto ng umuwi ng Pilipinas at ayaw din ng ahensiya na lumikha ng nakakaalarmang sitwasyon dahil nananatili pa rin naman aniyang normal ang buhay doon.
Sa ngayon ayon kay USec. De Vega, hindi war zone ang kapital ng Lebanon na Beirut bagamat puspusan na ang paghikayat ng gobyerno ng PH sa mga Pilipino doon na lumikas sa mas ligtas na lugar at mag-avail ng repatriation service ng pamahalaan.
Batay nga sa datos ng DFA, mahigit 11,000 Pilipino ang nasa Lebanon subalit mas mababa sa 10% pa lamang ang nagpahayag na nais nilang umuwi ng Pilipinas.