Nakatutok rin ngayon ang administrasyong Marcos sa mga undocumented OFWs na nasa Myanmar matapos na tumama ang magnitude 7.7 na lindol duon.
Ito ang tiniyak ng Department of Foreign Affairs sa kabila ng agam-agam na baka hindi mabigyan ng prayoridad ang mga ito.
Kung maaalala, nag-iwan ng matinding pinsala ang malakas na lindol sa naturang bansa na sumira sa maraming mga ari-arian.
Batay sa datos, libo-libo na ang naitatalang nasawi at sugatan habang marami pa ring indibidwal ang patuloy na pinaghahanap.
Ayon kay DFA Undersecretary Eduardo De Vega, umaasa ang kanilang tanggapan na mahahanap ng buhay ang mga OFWs na naiulat na nawawala.
Aniya, aabot sa humigit-kumulang 100 ang Pinoy teacher ang nasa nasabing bansa at ito ay nakatakdang ilikas patungo sa Yangon.
Karamihan kasi sa building na nakatayo sa Mandalay, Myanmar ay hindi na tiyak kung matibay pa at kung kakayanin pa ang mga susunod na pagyanig o aftershocks.