-- Advertisements --

Tuloy-tuloy daw ang pakikipag-ugnayan ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga Pilipino sa Sichuan province sa China matapos tumama ang magnitude 6.8 na lindol.

Una rito, sinabi ng DFA na wala namang napaulat na mga Pinoy na nasaktan matapos ang lindol.

Ayon kay DFA Spokesperson Ma. Teresita Daza, base sa kanilang inisyal na impormasyon mayroong kabuuang 167 Pilipino ang nasa lugar subalit wala dito ang apektado sa malakas na pagyanig.

Sa ngayon at marami nang katao ang nasawi matapos tumama ang naturang lindol noong araw ng Lunes. Ito ang itinuturing na pinakamalakas na tumama sa nasabing probinsiya ng China mula noong taong 2017.

Naitala ang episentro ng lindol sa town ng Luding kung saan may kabuuang 39,000 katao ang naninirahan sa loob ng 20 kilometro ng episentro at nasa 1.55 million mamamayan ang nasa lugar na pasok sa loob ng 100 kilometers.