Umaasa ang Department of Foreign Affairs na palalayain na ngayong buwan ang apat na Filipino seafarers na bihag ng Islamic Revolutionary Guard Corps.
Ayon kay DFA Undersecretary for Migrant Affairs Eduardo de Vega, tanging ang barko at hindi ang mga tripulante ang pakay ng pag-atake ng Iranian forces sa mga ito.
Kasabay nito ay tiniyak din ng opisyal na nananatiling nasa ligtas na kalagayan ang naturang mga tripulante at binibigyan din aniya ang mga ito ng pagkakataon na makausap ang kanilang mga pamilya.
Aniya, kung hindi ngayong buwan ay inaasahan nilang makakauwi na sa bansa ang mga ito sa darating na Mayo sapagkat ayaw aniya ng pamahalaan na abutin pa ito ng dalawa hanggang tatlong buwan.
Kung maaalala, ang apat ng Pinoy seafarers ay lulan ng MSC Aries nang atakihin ito ng Iranian forces malapit sa Strait of Hormuz.
Ayon kay de Vega, dahil sa insidenteng ito ay maaaring mabigyan ng hazard pay ang naturang mga tripulante.
Report by Bombo Marlene Padiernos