Tiniyak ng pamunuan ng Department of Foreign Affairs na nakahanda ang iba’t ibang embahada ng Pilipinas sa Middle East para sa mga gagawing contingency plan sa sandaling lumala ang sitwasyon sa lugar.
Kinumpirma ito mismo ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo De Vega.
Sa naging press briefing, natanong ang opisyal hinggil sa kahandaan ng Pilipinas para magpaabot ng tulong sa mga OFW sa Middle East sa oras na mag desisyon ito na umuwi ng Pilipinas dahil sa kaguluhan doon.
Kamakailan rin ay nagpakawala ang Iran ng mahigit 300 rockets laban sa Israel.
Paliwanag naman ni DFA Asec. Roberto Ferrer, na ang bawat embahada sa Middle East ay mayroong kanya kanyang contingency plan dahil hindi na bago ang kaguluhan sa lugar.
Sa kabila nito ay wala pa silang natatangggap na panibagong repatriation request mula sa mga OFWs sa Tel Aviv sa Israel kahit sa Tehran.
Sa ngayon, nananatiling nakataas ang alert level 2 sa naturang bansa.