-- Advertisements --

Walang nahanap ang Department of Foreign Affairs (DFA) na pasaporte at biometrics records sa ilalim ng pangalan ni Edgar Matobato, ang seld-confessed hitman ng umano’y kontroberisyal na Davao Death Squad.

Nauna ng sinabi ng DFA na iniimbestigahan nito ang mga ulat na paggamit ni Matobato ng pasaporte na may bagong identity para makalabas ng Pilipinas.

Sa Bagong Pilipinas Ngayon briefing ngayong Biyernes, Enero 31, sinabi ni DFA Secretary Enrique Manalo, wala ding nahanap na dokumento ng mga kasama umano ni Matobato na lumabas ng bansa.

Sa kabila nito, sinabi ng kalihim na aktibong involve ang ahensiya sa kaso ni Matobato.

Noong Enero 11, inihayag naman ni Bureau of Immigration spokesperson Dana Sandoval na natukoy na ng ahensiya ang modus na ginamit ni Matobato sa pag-alis ng bansa subalit hindi muna ito isinapubliko.

Nag-ugat ang pag-iimbestiga sa pagtakas ni Matobato ng bansa gamit ang ibang pagkakakilanlan sa inilabas na artikulo ng New York Times noong Enero 5 kung saan isinalaysay ang huling mga araw ng pagtatago ni Matobato sa bansa hanggang sa makaalis siya patungo sa hindi tinukoy na bansa kasama ang kaniyang common-law wife at 2 step-children gamit ang bagong pangalan.