Central mindanao-Magbibigay ng abot sa P20M ang Department of Human Settlements and Urban Development o DHSUD para sa mga site development related projects sa dalawang housing settlements para sa mga pamilyang nawalan ng tirahan sa Lungsod ng Kidapawan dahil sa October 2019 earthquakes.
Pumirma sa isang Memorandum of Agreement sina City Mayor Joseph Evangelista at DHSUD Secretary Eduardo Del Rosario nitong April 15, 2021.
Layon ng MOA na pondohan ng DHSUD ang mga site development projects ng Ilomavis at Indangan Relocation sites para mabigyan ng serbisyong pangkaunlaran ang mahigit sa 700 displaced families ns nakatira sa lugar.
Nakapaloob rito ang pagtatayo ng drainage canals, serbisyong patubig at kuryente, pagsasaayos ng mga daan at iba pa.
Hindi lamang pagbibigay ng disenteng pabahay sa mga pamilya ang benepisyo nito ngunit pati na ang dagdag na mga serbisyo at pasilidad ay makakatulong para maging ganap at maayos na komunidad ang mga nasabing housing resettlement sites.
Maaalalang hiniling noon ni Mayor Evangelista sa DHSUD ang dagdag na tulong matapos makahanap ng ligtas na lugar na malilipatan ang City Government para sa mga pamilyang nakatira sa mga high risk areas na delikado sa panahon ng lindol at iba pang sakuna.
Kaugnay nito, ay pinuri din ng DHSUD ang maagap na pagkilos ni Mayor Evangelista para agad mahanapan ng ligtas na lugar ang mga pamilyang nabanggit.
Ang Kidapawan City ang pinaka-unang LGU sa mga lugar sa Lalawigan ng Cotabato na nasalanta ng lindol na nakapagpatayo ng housing resettlement site para sa mga pamilyang nakatira sa mga high risk areas.