Inatasan na ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang mga key shelter agencies (KSAs) nito para ipatupad ang moratutium sa buwanang amortization ng mga benepisyaryong naapektuhan sa malawakang pagbaha sa buong bansa.
Kabilang dito ang Home Development Mutual Fund o Pag-IBIG Fund, National Housing Authority (NHA), Social Housing Finance Corporation (SHFC), at ang National Home Mortgage Finance Corporation (NHMFC)
na pawang partner ng naturang ahensya para sa pabahay program nito.
Isang buwan na moratorium ang iniutos ng DHSUD, bilang konsiderasyon sa kalagayan ng mga biktima ng pagbaha.
Inaasahang mabebenepisyuhan dito ang libo-libong mga benepisyaryo na mayroon pang kasalukuyang loan o utang sa pamamagitan ng pabahay program.
Ayon kay DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar, patuloy nilang babantayan ang kalagayan ng mga biktima ng malawakang pagbaha; habang mayroon din aniyang nakalaang pondo para sa mga nawalan at nasiraan ng mga tahanan.