Nagpasaklolo na ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) sa Philippine National Police (PNP) para imbestigahan ang scheme kung saan ginagamit ng mga indibidwal ang pangalan ng mga opisyal ng ahensiya na nagsasabing sila ay parte ng pambansang pabahay program ng gobyerno.
Ginawa ng ahensiya ang nasabing hakbang matapos makatanggap ng reports kaugnay sa mga scammer na umano’y ginagamit ang pangalan ng kanilang mga opisyal kabilang si Human Settlements and Urban Development Secretary Jerry Acuzar para maloko ang kanilang biktima.
Payo naman ni Human Settlements and Urban Development Spokesperson Avelino Tolentino na agad makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan o sa kanilang tanggapan para agad itong maberipika.
Naglabas na rin ng advisory ang ahensiya para paalalahanan ang publiko na mag-inquire lamang sa kanilang LGUs at official government channels gaya ng Home Development or PAG-IBIG fund, Social Housing Finance Corporation, National Home Mortgage Finance Corporation, at National Housing Authority para sa mga detalye ng housing program.
Giit pa ng ahensiya na walang sinumang indibdiwal at grupo ang awtorisadong magrepresenta sa departamento at nagbabalang hindi sila mag-aatubili na gumawa legal action sa mga mananamantala sa programang pabahay ng gobyerno.
Paalala pa ng ahensiya sa mga interesadong mag-avail ng housing program na maaaring humingi ng assistance sa kanilang LGUs para magapatala bilang eligible beneficiaries.