-- Advertisements --

Handa ng i-activate ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang kanilang ’emergency shelter clusters’ para sa kanilang preparasyon sa posibleng maging epekto ng bagyong ‘Marce’.

Pinaalalahanan ni DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar ang mga local official na mag-handa sa bagyong ‘Marce’ ng sa gayon aniya ay ma-maximize ng kanilang ahensya ang kakailanganing tulong para sa mga residenteng maapektuhan ng naturang bagyo base sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Nagbaba na rin ang ahensya ng memorandum na nagu-utos sa lahat ng member agencies ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na magsagawa ng monitoring, emergency response at humanitarian assistance.

Magbibigay rin ang DHSUD ng cash assistance sa pamamagitan ng kanilang Integrated Disaster Shelter Assistance Program (IDSAP) para sa mga biktima ng sakuna.

Para sa mga lubos na nasalanta ng mga kalamidad, tulad ng mga nawasak ang kanilang mga bahay ay makakatanggap ng P30,000 mula sa DHSUD habang ang ilan naman na mga indibidwal na bahagyang napinsala ang kanilang bahay ay makakatanggap ng P10,000.