Hindi kumbinsido ang Parish Pastoral Council For Responsible Voting (PPCRV) na magiging maayos na ang halalan kahit mapalitan ang Smartmatic na service provider ng mga nagdaang halalan.
Ayon sa PPCRV, hindi garantisado na magiging perpekto na ang halalan kapag nagpalit ng kumpanyang hahawak sa automated election sa bansa.
Ito ang pahayag ni PPCRV Board member Dr. Arwin Serrano, bilang reaksiyon sa naging panukala ni Pangulong Rodrigo Duterte na nais na niyang palitan ng Commission on Elections (Comelec) ang Smartmatic.
Sinabi ni Serrano, kahit pa magkaroon ng bagong partner ang Comelec sa automated election, kung hindi naman masosolusyunan ang iba pang problema sa halalan, hindi matitiyak na wala ng makakaharap na problems sa halalan.
Nilinaw naman ni Serrano na nais pa din nilang marinig ang pinal na desisyon dito ng Pangulong Duterte sa Comelec.
Maliban dito, nais din nilang marinig kung ano ang magiging pinal na sagot hinggil dito ng komisyon na siyang may mandato at pangangasiwa sa halalan.
Maalalang sa isinagawang halalan noong Mayo 13 ay maraming vote counting machines (VCM) ang nagkaaberya sa kalagitnaan ng botohan.