-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Nilinaw ng Joint Task Force Negros na hindi hinahabol ng tropa ng gobyerno ang mga progresibong grupo.

Ito ay kasunod ng raid ng militar at mga pulis sa safehouse ng Gabriela Partylist, Anakpawis at Kilusang Mayo Uno sa Bacolod City kagabi kung saan 65 indibidwal ang nahuli, kabilang na ang 15 menor de edad, at maraming mga granada at baril ang narekober sa lugar.

Nitong Biyernes ng umaga, umalma ang grupo at kanilang iginiit na planted ang mga baril at eksplosibo na nakumpiska ng mga otoridad.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Army Capt. Pancito Cenon, spokesperson ng Joint Task Force Negros, dumaan sa wasto at legal na proseso ang operasyon dahil humingi sila ng search warrant sa korte sa Quezon City bago ang raid.

Aniya, sasagutin nalang ng mga naaresto ang kaso sa korte.

Sa raid na isinagawa sa Ilang-Ilang Street, Barangay Bata, naaresto ang mga lider ng grupo na sina Mary Anne Krueger, John Milton Luzande, Noli Rosales, Proseso Quiatchon, Albert Dela Cerna at 40 iba pa kabilang na ang 15 menor de edad.

Naaresto naman sa safehouse sa Brgy. Taculing sina Romulo Bitoon at Amaylin Bitoon.

Huli rin sina Diego Malacad na secretary-general ng United Negros Drivers and Operators Center, Danilo Tabura at Roberto Lachica.

Kabilang sa mga narekober ng mga pulis ang 26 assorted firearms, tatlong granada, dalawang .45 caliber pistol, dalawang .38 caliber pistol, isang KG9 submachine gun, mga magazine at maraming mga bala.

Ang mga ito ay mahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions Regulations Act.