-- Advertisements --

Tinutulan ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang panukalang third party investigation sa Recto Bank incident sa West Philippine Sea, kung saan nasagasaan ng Chinese vessel ang mga mangingisdang sakay ng fishing boat.

Ayon kay Drilon, malinaw na nasa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ang pinangyarihan ng insidente, kaya tanging ang Pilipinas ang may hurisdiksyon dito.

Paniwala ng mambabatas, magpapahina sa posisyon ng ating bansa ang anumang pagbibigay-daan sa China na maging bahagi ng imbestigasyon.

Dagdag pa ng minority leader, hindi angkop na ituring bilang maliit na sitwasyon ang pananagasa ng Chinese vessel, dahil nanganib ang buhay ng mga mangingisdang biktima.

Gayunman, hindi rin aniya ito dapat umabot ang isyu sa giyera o anumang marahas na hakbang.

Nangangamba naman si Sen. Panfilo Lacson na maging ang The Hague ruling noong 2016 ay tuluyang maapektuhan kapag natuloy ang joint investigation sa West Philippine Sea issue.

“Nag-express lang tayo ng apprehension kasi may umiiral sa UNCLOS may sovereign rights tayo sa Recto Bank. Kung papayagan natin ang joint investigation, parang effectively nagsha-share tayo ng concurrent jurisdiction. Baka maapektuhan ang ruling noong 2016 sa The Hague na sinasabi ang Recto Bank ay part ng 200 nautical miles na EEZ. So meron tayong sovereign rights over Recto Bank. Dapat tayo ang may jurisdiction doon. Yun lang naman. At ang aking panawagan lang, kung di mapipigilan ang pagsagawa ng joint investigation with China, i-address lang ang issue na yan clearly doon sa kung meron silang gagawing terms of reference, o kaya anong agreement, liwanagin lang na hindi natin wine-waive ang ating sovereign rights over the Recto Bank,” pahayag ni Lacson.

Habang sa panig naman ni Sen. Joel Villanueva, wala na umanong pangangailangan para sa joint investigation, dahil nakapaghain na tayo ng diplomatic protest sa United Nations.

“I still don’t think there’s a need for a joint probe. We already filed a protest before the UN (United Nations) IMO and other international forum,” wika ni Villaneva.