Naniniwala si Health Sec. Franciso Duque III na hindi na kailangan na magkaroon pa ng panibagong batas para sa pagsasaligal sa paggamit ng medical marijuana sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Duque na sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act ay pinapahintulutan na rin naman daw ang paggamit ng marijuana sa medical purposes lamang.
Ang polisiyang ito ay ipinapatupad sa pamamagitan ng Food and Drugs Administration (FDA) circular na naglalatag ng guidelines para sa issuance ng isang compassionate special permit.
Binibigyan ng access ng FDA Circular 2014-009 ang paggamit ng mga gamot na hindi registered sa Pilipinas para sa “compassionate use” sa ilang piling sakit.
Samantala, sinabi naman din ni Duque na kanilang nirerespeto ang nagbagong posisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagkontra sa panukalang batas para sa paggamit ng medical marijuana sa bansa.
Sinab ni Duque na posible raw na may nakitang butas ang Pangulong Duterte sa medical marijuana bill.
Maliban dito, posible rin umanong mayroong bagong kaalaman ang Pangulo sa epekto ng paggamit ng medical marijuana kaya nagbago ang kanyang posisyo.
Una rito, inaprubahan na ng mababang kapulungan ng Kongreso sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 6517 o Philippine Compassionate Medical Cannabis Act noong buwan ng Enero kung saan lima lamang na mga congressman ang tumutol habang tatlo ang nag-abstain.
Sa kabila nito, nasa Pangulo pa rin daw ang huling alas kung pipirmahan niya ang panukala o hindi.
“Well hindi na kailangan actually kasi mayroon naman na tayong batas na nag-uutos sa FDA na magbukas ng tinatawag na compassionate use of medical marijuana para sa mga karamdaman na hindi gumagaling o hindi nalulunasan at iba pang mga karamdaman katulad ng mga epileptic seizures, kawalan ng gana ng pagkain na may kaugnayan sa cancer, pagduduwal, pain relief at appetite stimulation. Ito naman ay puwede na mag-apply ang mga doktor para sa kanilang mga pasiyente. Sa FDA sila magsasampa ng kanilang application. Mayroon na iyang sistema kaya hindi na iyan kailangan pang ulitin pa sa pamamagitan ng batas,” ani Duque.