Aminado si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino na nag-iba ang perspektibo ng publiko sa Oplan Tokhang dahil sa serye ng patayan sa mga operasyon kontra ililgal na droga.
Ito ang tugon ni Aquino nang tanungin kung handa ba nitong itigil ang Oplan Tokhang para bigyang daan ang mga ibabatong suhestyon ni Vice President Leni Robredo bilang co-chair niya sa Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Itinuro ng opisyal ang Philippine National Police (PNP) na siyang nasa likod umano ng “pagbaluktot” sa kahulugan ng “Tokhang.”
“Sa tingin ko hindi naman kailangang alisin ang Oplan Tokhang. In fact, when you define Tokhang, it’s just the same, drug surrenderers to surrender—or drug personalities to surrender. Iyon lang naman iyon, eh. Kaya lang kasi, binabaluktot iyong ibig sabihin ng Oplan Tokhang ng PNP. In fact, it’s a good, ano, Oplan. Siguro lang, siguro, kailangan lang i-reassess ng PNP kung paano mo pa aayusin o pagagandahin ang kanilang operations. Iyon lang naman siguro,” ani Aquino.
Iginiit ng PDEA chief na siya ring chairman ng IDAC, na may sistema pa ring sinusunod sa pag-aresto sa drug criminals, taliwas sa pahayag noon ni Pangulong Duterte na maaaring patayin ang mag nagdo-droga.
“There’s a protocol to follow. So doon lang naman kami, eh. If there’s a rule of law to follow, kung ano iyong batas, iyon iyong dapat nating sundin. I really don’t know, if the President is saying that siguro in jest or something na may sinasabi siyang ganoon.”
“Alam naman natin ang Presidente, poker face. Hindi siya ngumingiti; he just says something. It’s up to you to decode kung ano iyong sinasabi niya. Pero I’ve known the President for more than 22 years. And alam mo na na kapag may sinabi siya sa akin, alam ko kung it’s just a joke or it’s an order for me.”
Kaugnay nito, tiniyak ni Robredo ang pangako sa kanya ni PNP officer in charge Lt. Gen. Archie Gamboa na nakasunod sa batas ang lahat ng kanilang magiging operasyon.
“I was assured by the OIC PNP Chief that all operations will be in accordance with the rule of law—that is enough assurance na baka hindi na mangyari iyong sunod-sunod na mga senseless killings,” ani Robredo.