Pinawi ng Phivolcs ang pangamba ng publiko hinggil sa mga lumalabas na impormasyong nanganganib ang buong batanggas na bahain ng lava at lumabas ito mula sa mga bitak na nalikha ng lindol.
Ayon kay Phivolcs Dir. Renato Solidum, ang lava ay lalabas lamang sa crater at hindi sa lahat ng crack.
“Marami kasing lumalabas na mapa na walang interpretation at nag-iisip ang maraming tao na ang magma na umaakyat lulusot sa mga bitak. Hindi mangyayari ‘yun,” wika ni Solidum.
Nagsalita si Solidum matapos makarating sa kanilang tanggapan ang mga post sa social media na nagsasabi na tila babahain ng lava ang mga lugar na nakitaan ng bitak.
Para kay Solidum, ang pinakamainam na pag-iingat ay lumayo sa 14 km danger zone at ideklarang no mans land ang volcano island ng Taal Lake.