Nilinaw ngayon ni Justice Sec. Menardo Guevarra na puwede pang iapela sa kanyang opisina ang desisyon sa reklamong isinampa kay Sen. Koko Pimentel dahil sa paglabag nito sa quarantine protocols matapos itong ibasura ng panel of prosecutors kahapon.
Ayon sa kalihim, puwede pang iapela ng complainant ang resolusyon ng investigation prosecutor sa isyu ng paglabag umano ni Pimentel sa quaratine protocol nang nagtungo ito sa isang pagamutan at kalaunan ay nagpositibo sa Coronavirus diease 2019 (COVID-19).
Maalalang umani ng batikos ang pagkakabasura ng naturang reklamo at inakusahang bias o may pinapanigan ang Department of Justice (DoJ).
Sinabi ni Guevarra na wala raw itong magagagawa kung ganun ang iniisip ng iba pero sinabi naman nitong hindi lamang ang reklamo laban sa senador ang una nang ibinasura ng DoJ.
“Wala akong magagawa kung may nag-iisip ng ganoon,” wika ng kalihim.
Aniya, ang kaso noon ng maraming indibidwal na nahuli dahil sa paglabag sa quarantine protocols sa kasagsagan ng lockdown noong nakaraang taon dahil sa covid pandemic ay ibinasura rin ng DoJ inquest prosecutors.
“Please note that a large number of people apprehended by law enforcement officers during the early days of the covid-19 pandemic due to various quarantine violations were subsequently released and their cases dismissed by DOJ inquest prosecutors,” ani Guevarra
Dahil dito, tiniyak ng kalihim sa publiko na nakahanda ang DoJ na ipatupad ang criminal justice system ng bansa ng parehas at walang kinikilingan.
“The resolution of the investigating prosecutor in the case of Sen Koko Pimentel may be the subject of an appeal to the office of the secretary. so it is not proper for me to make any comments on the resolution at this time. but i would like to assure the people that the DOJ is committed to administer our criminal justice system as fairly and equitably as possible,” dagdag ng Justice secretary.
Kahapon nang ibasura ng DoJ panel ang criminal complaint laban kay Pimentel matapos ang mahaba-habang preliminary investigation dahil umano sa kakulangan ng probable cause.
Ayon sa Office of the Prosecutor General si Pimentel ay hindi isang public health authority at hindi raw obligadong sa mandatory reporting provision ng RA 11332.
Pero ipagpalagay na lamang umanong kailangan niyang mag-report kaugnay ng kanyang medical condition bilang private individual sinabi ng mga prosecutors na wala naman daw siyang dapat i-report sa mga oras na nagtungo ito sa Makati Medical Center at sa S&R Bonifacio Global City noong Marso 24 at Marso 16.
Paliwanag ng DoJ, nalaman lamang niya na positibo ito sa nakamamatay na sakit noong Marso 24 na nasa premises na ito ng ospital.
Una rito, ang abogadong si Atty. Rico Quicho ang naghain ng reklamo laban kay Pimentel sa DoJ dahil umano sa paglabag nito sa Republic Act No. 11332 at iba pang regulasyon ng Department of Health (DoH).
Nakasaad din sa desisyon na hindi si Quicho ang “proper party” na maghain ng reklamo dahil ang kanyang mga ebidensiya ay base lamang sa mga news reports at ikinokonsidera itong “hearsay” lamang.