Posibleng magamit na ng mga sundalo sa Marawi ang mga assault rifles na donasyon ng China sa Pilipinas.
Pero ayon kay Armed Forcoes of the Philippines (AFP) Spokesperson B/Gen. Restituto Padilla, kasalukuyang iniimbentaryo na ang mga armas at ammunitions na nai-turnover ng China kahapon sa pamahalaan.
Binigyang-diin ni Padilla na hindi naman komplikado ang magiging transition sa mga nasabing armas dahil simple lamang ito at tiniyak na hindi magkakaroon ng problema sakaling ipamahagi na sa mga tropa ng pamahalaan.
Sinabi ni Padilla na layon ng imbentaryo ay malagay sa libro ng gobyerno at sa AFP bago pa man ito ipamahagi sa mga sundalo.
Giit nito na may proseso silang sinusunod bago pa ito ipadala sa mga ground units.
Hindi naman masabi ni Padilla kung agad na magagamit ng mga sundalo sa Marawi ang mga armas na bigay ng China.
Aniya, nakadepende ito sa timeline ng Philippine Army.
Pagtiyak naman ni Padilla na baka magamit na ang mga nasabing baril bago pa magtapos ang conflict o krisis sa Marawi.
Aminado naman si Padilla na malaking tulong sa militar ang mga armas lalo na nagpapatuloy ang labanan sa Marawi.