-- Advertisements --

Positibo si House Ways and Means committee chairman Joey Sarte Salceda na maabot pa rin ng Pilipinas ang target na 7% gross domestic product (GDP) growth ngayong 2021.

Ito ay kasunod na rin ng 32-year-high 11.8 percent na paglago ng ekonomiya ng Pilipinas sa second quarter ng 2021, na siyang dahilan rin nang pag-ahon ng bansa sa recession makalipas ang limang quarter na nasa negative territory.


Pero sa kabila ng development na ito, sinabi ni Salceda na hindi nangangahulugan na bumubuti na rin ang kalagayan ng mga tao kaya naman mahalaga pa rin na mapabilis ang rollout ng COVID-19 vaccines at pagpapatupad ng mga hakbang laban sa mas nakakahawang Delta coronavirus variant.

Sa oras na mapigilan ang pagkalat ng Delta variant, at maiwasan ang surge sa COVID-19 cases tulad ng sa Indonesia at iba pang ASEAN countries, malaki ang posibilidad na maipagpapatuloy ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas sa second half ng 2021.

Kaya naman, hindi aniya dapat magpakampante ang lahat dahil hindi ibig sabihin na naka-ahon na sa recession ay hindi na ulit babagsak ang ekonomiya ng bansa.
Sa ngayon, sinabi ni Salceda na malayo pa rin ang ekonomiya ng Pilipinas kung ikukumpara sa sitwasyon bago nagkaroon ng pandemya.