-- Advertisements --

VIGAN CITY – Naniniwala ang dating solicitor general (SolGen) at international lawyer na si Atty. Florin Hilbay na hindi uusad ang impeachment complaint laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ay nag-ugat sa desisyon ni Pangulong Duterte na payagan ang China na mangisda sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Hilbay na kung tutuusin ay mayroon talagang paglabag ang pangulo sa kaniyang desisyon dahil ito ay maliwanag na culpable violation of the constitution.

Nakalahad aniya kasi sa 1987 Philippine Constitution na ang mga territorial waters ng Pilipinas ay sakop ng tinatawag na National Territory ng bansa.

Ngunit, isang political issue ang impeachment at ito ay maituturing na numbers game kung kaya tiyak na hindi ito uusad kung mayroong magsasampa ng reklamo dahil halos lahat ng miyembro ng Kamara ay kakampi ng pangulo.

Kung maaalala, sa Kamara magsisimula ang impeachment process kung saan dito maisasampa ang isang impeachment complaint na iimbestigahan ng mga mambabatas.

Kaugnay nito, umaasa ang dating SolGen na pag-isipang mabuti ng pangulo ang kaniyang desisyon bago ito tuluyang maipatupad.