Inamin ngayon ng commander ng National Incident Management Team ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na nasa retrieval mode na ang kanilang operasyon sa ground zero ng 070 Firstgate sa Brgy. Ucab sa Itogon, Benguet.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Director Rafaelito “Raffy†Alejandro, ang National Incident Management Team commander, nasa Day 5 na kasi ang mga rescue teams o pang-anim na araw na ngayon mula nang mangyari ang landslide sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Ompong.
May pahiwatig pa ng kalungkutan si Alejandro na hindi man diretsong aminin na wala ng pag-asa pang mabuhay kung sinuman ang natabunan dahil sa ilang araw na rin ang nakalipas.
Giit na lamang nito na ginagawa nila ang lahat ng makakaya upang marekober ang mga missing bodies at gayundin batay na rin sa direktiba ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Umaabot na ngayon sa halos 1,000 ang mga miyembro ng rescue units mula sa AFP, PNP, LGUs, miners group at iba pang sama-samang nagtutulong-tulong sa puspusang retrieval operations.
Ngayong araw simula na ang na-set up na sistema ng NDRRMC kasama ang DILG upang mabilis na makilala ang mga bangkay na nahuhukay.
Nasa site na rin nagtayo ng tinatawag na cluster management for the dead and missing.
Dito pinoproseso ng DILG, PNP-SOCO, DSWD at NBI ang pagsasagawa ng mabilisang forensic examinations sa mga labi.
Sakali rin aniyang may marekober na bangkay at dumaan sa proseso, kukunin na ito ng team ng DSWD para ihatid sa funeral parlor.
Sa hawak na data ng NDRRMC ang nasa 56 na missing ay nasa Barangay Ucab lamang habang may hinahanap pa sa tatlong mga barangays sa Benguet na nagkaroon din ng insidente ng landslides.
“Hindi man magandang pakinggan, retrieval na lamang kasi itong ginagawa natin. Anyway, we are trying our best to recover these missing bodies ASAP kasi ‘yon din ang instruction ng ating Presidente na lahat ay marekober,” ani Director Alejandro sa Bombo Radyo.
As of 3pm nitong araw ng Miyerkules nasa kabuuang 20 na ang mga cadavers na narerekober sa Brgy. Ucab matapos meron na namang isang bangkay ng lalaki ang nahukay.