Muling siniguro ngayon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi mangyayari ang pangamba ng ilang grupo na baka magamit ng China ang paglalagay ng mga tower ng 3rd telco na DITO Telecommunity Corporation sa loob ng military camps.
Una nang sinabi ni retired Supreme Court Justice Antonio Carpio, na may kakayahan daw ang China na kahit naka-off ang cellphone ay pwedeng matiktikan lalo na at gawa sa kanila ang mga michrochips.
Nangangamba rin si Carpio na baka pati ang usapan ng mga camp commanders o AFP generals ay ma-pick up ng naturang Telco.
Sagot naman ni M/Gen. Edgard Arevalo, ang spokesman ng AFP, kadalasan daw kapag nagmemeting ang mga opisyal ay iniiwan ang mga cellfone sa labas at naka-off pa.
Liban nito, ang mga pangamba raw ng ilang kritiko ay nasagot na sa congressional inquiry pa lamang bago aprubahan ang prangkisa ng DITO na isang consortium na ang namumuno ay ang milyonaryong negosyante mula sa Davao na si Dennis Uy.