-- Advertisements --

Nilinaw ni Comelec Comm. Rowena Guanzon na hindi siya ngayon maghahain ng kahit anong kaso laban kay rejected Duterte Youth partylist nominee Ronald Cardema.

Ito ang sinabi ni Guanzon sa panayam ng Bombo Radyo, kasunod ng lumalalang patutsadahan ng poll official at ng dating National Youth Commission (NYC) chairman.

Giit ng Comelec commissioner, nais niyang bumoto sa disqualification case na inapela ni Cardema sa commission en banc kaya hindi muna ito dudulog sa hukuman.

Wala ring problema kay Guanzon kung sampahan man daw siya ng impeachment complaint dahil haharapin naman niya iyon.

“Sige maghain sya ng impeachment. Dun kami magharap sa Congress. Tingnan ko lang kung may mararating yan,” wika ni Guanzon.

Pero duda ang opisyal kung may mambabatas na susuporta sa kahit anong kasong idudulog ng kampo ni Cardema.