Hindi na umano gaanong bibigat pa sa timbang si Senator Manny Pacquiao sa araw ng laban bukas kontra kay Jeff Horn.
Ginawa ni Pacman ang pahayag matapos na magtala siya ng mas mababang timbang sa 146 pounds kumpara kay Horn na nasa 147 pounds na eksakto lamang sa welterweight limit.
Ayon kay Manny nasa fighting form na siya ngayon sa timbang at hindi na siya masyadong magdaragdag pa ng bigat.
Sa isyu naman na mas malaki at malapad ang katawan ng challenger na si Horn, ayon kay Pacman hindi niya ito tinitingnan kundi ang mga tira o suntok ng kalaban.
Paliwanag pa ng boxing icon, kung laging nakatingin ang boksingero sa malaking katawan ng kalaban baka magdulot ito ng pagkagulat at ikatakot pa niya.
Inihalimbawa pa ng fighting senator ang mga naging kalabang black Americans na nakakagulat ang malalapad na katawan.
Para sa eight division world champion sana’y na siya sa mas malalaking kalaban noon pa man.
Muling ginawang halimbawa ni Pacman ang nakalabang boxing legends na sina Oscar De La Hoya at Antonio Margarito.