GENERAL SANTOS CITY – Nilinaw ni Ronnie Sunggay, information officer ng Deped-GenSan na hindi pa compulsory na mag-uniform ang mga estudyante nitong araw.
Sa panayam ng Bombo Radyo GenSan, inihayag ni Sunggay na mas mainam na magsuot na kaagad ng uniform ang mga estudyante simula nitong araw ngunit hindi umano compulsory sakaling wala pang uniporme at maaari pa ring silang pumasok sa klase.
Ayon sa opisyal, patuloy ang pagkuha ng data ng DepEd upang malaman kung ilan ang kabuuang bilang ng enrollees sa lungsod.
Aniya, asahan umanong maglilibot sa mga paaralan ang mga opisyal ng DepEd-GenSan.
Nabatid na sa nakaraang school year nasa mahigit sa 100,000 mga mag-aaral ang naitala sa elementarya at high school.
Ngunit aasahan umano na posibleng sa mga susunod na linggo pa malalaman ang kabuuang bilang ng mga estudyante nitong taon lalo pa’t marami pa ang inaasahang hahabol sa pagpapa-enroll.
Kasabay nito, tiniyak ng Police Regional Office (PRO-12) na nakaalerto at all-set na ang buong pulisya sa buong rehiyon para sa ipapatupad na mahigpit na pagbabantay ng seguridad kasabay ng pagbubukas ng klase nitong araw.