-- Advertisements --

Wala pang nakikitang pangangailangan sa ngayon ang Defense department para i-extend ang deklarasyon ng Martial Law sa Mindanao.

Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, hindi pa nila napapag-usapan ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff General Eduardo Año ang posibleng pagpapalawig sa pagpapatupad ng Batas Militar.

Aniya, nakatutok ang militar sa kanilang operasyon sa Marawi laban sa teroristang Maute.

Pahayag ng kalihim, mag-iisang buwan pa lamang ang implementasyon ng Batas Militar sa Mindanao at kung makita nila na kailangan nang i-extend ito, kanila itong irerekomenda kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Pero bago ang kanilang rekomendasyon, magsasagawa muna ang AFP ng assessment kung kailangan pang i-extend o hindi na.

Binigyang-diin ni Lorenzana na nakadepende sa kanilang rekomendasyon kung papalawigin pa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Martial Law sa Mindanao.