Wala umanong nakikitang dahilan si Pangulong Rodrigo Duterte para magsuspinde ng pasok sa trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno, pati na rin sa mga paaralan.
Ito ay kahit na aprubado na ni Pangulong Duterte ang pagdedeklara ng public health emergency sa buong bansa matapos na itaas ng Department of Health (DOH) ang alert level sa Code Red Sub-Level 1.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, hindi naman daw mataong lugar ang mga tanggapan ng pamahalaan.
Nakasalalay na rin aniya sa lokal na pamahalaan ang pagdedesisyon kung magsususpinde ng klase kung sa tingin nila ay mayroong pangangailangan.
“I don’t think we have reached that level. We should not panic. Tayo nga ang [may] pinakamagandang containment,” wika ni Panelo sa isang panayam.
Kasabay nito, inihayag ng kalihim na wala raw balak si Pangulong Duterte na limitahan ang public engagement nito.
Ani Panelo, marami pang nakahanay na schedule na aktibidad si Pangulong Duterte at wala pa namang kinakansela.
Wala rin umanong plano ang Palasyo na magpatupad ng lockdown sa buong Malacañang complex.