Nababahala ngayon ang Department of Agriculture (DA) sa pagdami ng bilang ng mga alagang baboy na namamatay sa bansa dahil sa hindi pa matukoy na animal disease.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Agriculture Secretary William Dar na pinakikilos na niya sa ngayon ang kanilang crisis management team matapos niyang matanggap ang incident report mula sa Bureau of Animal Industry noong Agosto 16 hinggil sa pagtaas ng mortality rate ng mga alagang baboy sa bansa.
Ayon kay Dar, magsasagawa sila ng confirmatory lab test kabilang na ang pagkuha ng blood samples mula sa mga apektadong baboy at ipapadala sa foreign laboratories upang matukoy ang sakit nakakaapekto sa mga ito.
Hinihiwalay na raw sa ngayon ang mga baboy na apektado ng hindi pa natutukoy na sakit upang maiwasan na rin ang pagkalat nito.
Sa ngayon, hindi pa raw nila masasabi kung ito ay bunsod ng African Swine Fever na nakaapekto sa hog industry ng maraming bansa sa mga nakalipas na buwan.
Samantala, nanawagan si Dar sa mga key industry players at backyard hog raisers na makipag-ugnayan sa gobyerno upang mabilis na masupil ang kumakalat na sakit.