-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Dismayado ang Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Aklan dahil sa usad pagong na rehabilitasyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) sa rehabilitasyon ng kalsada at drainage sa isla ng Boracay.

Sa isinagawang legislative inquiry ng SP, hindi kinontra ng dalawang ahensiya ng pamahalaan ang naging obserbasyon ni Board Member Esel Flores.

Kapwa sinabi nina DPWH-Aklan District Engr. Noel Fuentebella at TIEZA assistant project manager Engr. David Capispisan na maliban sa delayed na pagpapalabas ng pondo, naging problema rin nila ang nakaharang na mga pipeline, kawad ng linya ng kuryente at cables gayundin ang sewer line, masikip na daloy ng trapiko at mga punong kahoy sa gilid ng kalsada.

Iniiwasan rin umano nilang magtrabaho sa gabi dahil sa pangambang makadisturbo sa mga bisita na karamihan ay mga dayuhan.

Halos walong porsiyento pa lamang ang natapos sa 1.9-kilometer Phase II ng proyekto na inaasahang matatapos sa 2021.

Dahil dito, balak ng provincial board na magpasa ng resolusyon na maghihikayat sa Department of Budget and Management (DBM) upang mapabilis ang pagpapalabas ng pondo para sa mga proyekto sa isla.