LEGAZPI CITY – Ipinaliwanag ng chairman ng Bicol Regional Development Council at Regional Peace and Order Council (RPOC) ang isyu sa umanoy pagtanggal sa Bicol International Airport (BIA) sa mga nakalinya sa Build, Build, Build Program ng administrasyong Duterte.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay RDC-RPOC chairman at City Mayor Noel Rosal, pinabulaanan nito ang isyu at sinabing patapos na ang naturang paliparan kaya hindi na isinama sa BBB projects.
Nag-update na rin umano ang Department of Transportation (DOTr) at kinumusta ang “long overdue” nang proyekto.
Nanindigan aniya si Transportation Secretary Arthur Tugade na hindi na lalagpas pa sa itinakdang period of completion ang paliparan.
Nabatid na nagbabala pa ang kalihim na papalitan ang contractors kung hindi pa matatapos ang proyekto lalo na at malaki na ang demand para rito.
Nitong Lunes ng gabi ay ipinatawag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga National POC kasama ang regional POCs sa pagtalakay ng mga nais nitong matupad sa dalawa’t kalahating taon bago matapos.