-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Sinayang lamang umano ng Kapa-Community Ministry International Inc. founder na si Joel Apolinario at ng mga kasamahan nitong akusado ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang pagkakataon na ibinigay ng batas upang maipaliwanag nila ang kanilang panig at madepensehan ang kanilang sarili kung totoong ligal nga ang operasyon ng organisasyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Atty. Francis Carlos, isang private lawyer sa South Cotabato, importante ang preliminary investigation dahil ito ay isang stage o proseso sa criminal prosecution.

Kung tuluyang hindi na humarap sa imbestigasyon ang KAPA founder at mga kasamahan nito ay mas magiging madali at magkakaroon ng mas matibay na dahilan ang batas upang ipaaresto ang mga ito at mapipilitang harapin ang kanilang mga kaso tungkol sa multi-billion investment scam.

Kaugnay nito, inihayag ni Atty. Carlos na kung walang motion for postponement na isinumite ang KAPA ay posibleng mayroon umano ang mga itong mas mabigat na dahilan sa hindi pagsipot sa preliminary investigation.

Posible rin aniyang takot ang KAPA founder at mga kasamahan nito na maaresto sa iba pang mga kinasasangkutang mga kaso maliban sa mga kasong isinampa ng SEC.