-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Nanatiling nasa heightened alert ang militar at pulisya sa Maguindanao sa posibling sorpresang pananalakay ng mga terorista.

Kahit humihina na umano ang pwersa ng Dawlah Islamiyah terror group at kaalyadong grupo nito na Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ay may kakayahan pa rin ito na maghasik ng gulo at patuloy ang kanilang pangangalap ng mga bagong myembro sa Mindanao.

Matatandaan na nasawi sa law enforcement operation ng Joint Task Force Central at pulisya sa Sitio Pinaring, Barangay Damablac, Talayan,Maguindanao ang top terrorist leader ng Dawlah Islamiyah na si Salahuddin Hassan alyas Kumander Orak at ang kanyang asawa na si Jehana Minbida, finance officer ng DI.

Maliban sa DI at BIFF nakatutok rin ang militar at pulisya sa posibleng paghihiganti ng New People’s Army (NPA) sa pagkapatay ni George Madlos alyas Ka Oris.

Sa ngayon ay nagdagdag pa ng pwersa ng mga otoridad sa mga lugar na posibleng target nang pambobomba at pananalakay ng mga terorista.