BAGUIO CITY – Ipinag-utos na ni Baguio Mayor Benjamin Magalong ang imbestigasyon sa di umano ay paglabag ng ilang opisyal ng isang pribadong unibersidad dito sa lungsod sa COVID-19 vaccine priority rule.
Kasunod ito ng report na natanggap niya ukol sa ilang opisyal ng Saint Louis University (SLU), kasama na ang kanilang presidente na sumingit sa priority list at nasama sa mga nabakunahan bago ang mga nakatala sa nasabing talaan.
Una rito, lumabas ang isang report na inamin ng SLU parish priest noong March 9 na nabakunahan ito ng first doe ng Sinovac vaccine.
Kinumpirma naman ng ilang personnel ng ospital at klinka ng SLU na kasama sa mga nabakunahan ng first dose ng COVID-19 vaccine at kasama sa mga priority sectors na kasabay nilang nakatanggap ng bakuna ang kanilang mga superiors.
Dahil dito, sinabi ni Mayor Magalong na iniutos na niya sa City Health Services Office chief ang pag-imbestiga sa insidente.
Gayunman, sinabi naman ni DOH-Cordillera regional director Ruby Constantino na wala pa silang natanggap na report ukol sa nasabing insidente.
Kinakailangan aniyang mai-submit sa kanila ang isang report kung may nasamang nabakunahan na wala naman sa priority list para ma-verify nila ang report at pagsabihan ang kinauukulang LGu para magpaliwanag at bigyang katwiran ang insidente.