Tinanggap umano ni Defense Sec. Delfin Lorenzana ang alok ni Presidential Spokesman Harry Roque na mamagitan sa posibleng pag-uusap ng Department of National Defense (DND) at ng University of the Phiilippines (UP) kaugnay sa 1989 UP-DND accord.
Gayunpaman, nilinaw ni Sec. Roque na hindi ito nangangahulugang bukas ang Defense Secretary na irekonsidera ang desisyon nitong ipawalang-bisa ang kasunduan.
Ayon kay Sec. Roque, walang objective o ano mang kondisyon ang pulong na ito, bagkus para lamang makapag-usap ang UP at DND.
Hindi rin umano masasabi pa sa ngayon kung wala na talagang ng balak si Sec. Lorenzana na bawiin ang kaniyang desisyon hangga’t hindi pa nakakapag-usap ang magkabilang panig.
Sa kasalukuyan, wala pang impormasyon si Sec. Roque kung tatanggapin rin ni UP President Danilo Concepcion ang kanyang alok.