Itinanghal ngayon bilang ikaapat sa pinakamabilis na 200-meter runner sa kasaysayan ang Amerikanong si Noah Lyles.
Nagrehistro kasi si Lyles ng 19.50 segundo sa ginanap na Lausanne Diamond League nitong Biyernes.
Ang naitalang oras ni Lyles ang ikawalo rin sa pinakamabilis sa kasayasayan, at pinakamatulin sa loob ng pitong taon.
Nauuna lamang sa kanya ang world record holder na si Usain Bolt, Jamaican na si Yohan Blake at si Michael Johnson ng Estados Unidos.
Nakabawi na rin si Lyles sa pambihira nitong pagkatalo sa kababayang si Michael Norman noong nakaraang buwan sa Rome.
Matapos nito, sunod na sasabak si Lyles sa world championships sa Doha sa darating na Oktubre.
Samantala, nasungkit ni Alex Quinonez ng Ecuador ang ikalawang puwesto sa 19.87, habang ang Canadian Olympic silver medallist na si Andre de Grasse ang pumangatlo sa 19.92.