LEGAZP CITY – Muling nagpahayag ng pagkontra ang isang miyembro ng simbahang Katolika sa isinusulong sa Kongreso na divorce bill na nilalayong maisalegal ang paghihiwalay ng mga mag-asawa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Fr. Rex Arjona, Social Action Center Director ng Diocese of Legazpi, hindi umano makakatulong divorce sa mga nagkakaproblemang pamilya at posibleng magpalala pa ng sitwasyon.
Ayon kay Arjona, pinakamaigi pa rin ang komunikasyon at pagsailalim sa counseling upang matukoy ang problema ng mag-asawa at mabigyan ng maayos na solusyon.
Giit pa ng pari na pinakaapektado ang mga anak sa hakbang na posibleng lumaki sa hindi kompletong pamilya na hiwalay ang ama at ina sakaling maisabatas ang nasabing resolusyon.
Nanawagan naman si Arjona sa mga mag-asawa na nakakaranas ng problema at hindi pagkakaunawaan na magtungo sa simbahan upang mabigyan ng kaukulang counselling.