Binabantayan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang mula 100,000 hanggang isang milyong cyberattack o hacking insident araw-araw.
Ayon kay DICT Spokesperson Asec. Aboy Paraiso, malaking porsyento rin sa mga naturang pag-atake ay mula sa mga foreign hacker.
Araw-araw din aniyang nagsasagawa ang ahensiya ng monitoring at pag-aaral sa mga hacker, kasama na ang sistemang kanilang ginagamit para rito.
Kasabay nito, binigyang-diin ni Paraiso na malaking tulong din sana kung magkaroon ng intelligence fund ang ahensiya upang maging mas malawak pa ang monitoring dito.
Paglilinaw ng opisyal na hindi lamang naka-pokus ang DICT sa mga IT expert at mga IT consultant bagkus, kailangan din nitong magsagawa ng intelligence build-up para sa mas malawakang kampaniya laban sa mga cyber threat.
Muli ring hinikayat ng opisyal ang publiko na makipag-tulungan sa pagbabantay sa mga hacking insident at ilapit ang anumang naranasan o naobserbahang cyberattack sa mga akmang ahensiya ng pamahalaan.